Isa sa malaking "struggle" ko ngayon ay ang pagtanggap sa katotohanang tumatanda ako nang paurong. Sa halip na patuloy na tumayo sa sariling mga paa, lumakad nang diretso at humantong sa patutunguhan, kung bakit nga ba ngayon ko pa mas naiisipang huminto, maghanap ng kasama, lumingon sa kung saan-saang direksyon at magmukmok.
Maraming nakakikilala sa akin bilang isang matapang na babae. Labing-anim na taong gulang ako nang magsimula akong umasa sa aking sarili. Siyam na taon na ang lumipas. Akala ko ay sanay na ako na umasa lamang sa Diyos at hindi kaninuman, kahit sa aking sariling pamilya. Pero mali. Kung kelan pinatibay na ako ng panahon at mga karanasan, ngayon pa ako naghahanap ng bisig na mahahawakan at balikat na masasandalan. Kung kelan natuto na akong tanggapin ang sarili ko at humarap sa mundo nang buong tapang sa kabila ng marami kong kahinaan, ngayon pa ako naghahanap ng mga taong tatanggap, makaiintindi at susuporta sa akin.
Ang buong akala ko, makakahanap ako ng ganoong klase ng mga kaibigan dito sa Korea. Nagkamali ako. Hindi pala sapat na ipakita mo kung gaano ka magbigay ng importansya sa mga taong halos ituring mo nang kapamilya. Hindi pala sapat na ibigay mo sa kanila ang anumang pwede mong ibigay. Sa huli, pupulutin mo lamang ang mga piraso ng iyong sarili dahil mapagtatanto mong "iba ka" sa kanila, at "iba sila" sa iyo.
Siyempre masakit. Kasi umasa ka. Umasa ka na may makikiramay sa'yo. Na kahit mas matanda ka at mahirap kang intindihin, may magsasabi sa'yo ng "Sige, iiyak mo lang yan, sasamahan kita..." Na kahit kakaiba ka, may tatanggap sa'yo nang buong-buo.
Hindi pala ganoon kadaling humanap ng ganoong uri ng mga tao. Hindi pala ganun kadaling magtiwala at umasa...
Kaya dapat, makuntento ka. Magpasalamat sa kung ano ang meron at wala. Alalahanin na mayroon ka namang mga tunay na kawaksi kahit mabibilang mo lang sila sa isa mong kamay.
At huwag nang umasa sa iba. Huwag nang sumandig. Magbigay na lang nang walang hinihinging kapalit. Maki-"join" kung keri mong makisabay. Maghanap ng ibang pwesto kung walang mapuwestuhan sa tumpukan. Masanay nang kumain mag-isa. Mag-enjoy kasama ang chopsticks at kimchi. Lumakad nang nakangiti at hindi laging nakakunot ang noo.
Kung aasa ka, sa langit ka tumingin. Dun ka rin bumulong. Kasi mas siguradong pakikinggan ka. Kahit ano pa ang hitsura, ugali o nakaraan mo, tanggap ka ng May-ari ng kalawakan.
At lumakad ka nang diretso. Okey lang huminto at lumingon paminsan-minsan pero huwag masyado magsayang ng panahon! TAPUSIN ang mga kailangang tapusin. Kapag may sinimulang laban, tapusin muna iyon bago sumuong sa bagong gyera. Huwag magsayang ng bala!
Huwag din masyado matakot. Lalo na sa iniisip at sasabihin ng iba. Buhay mo ito. Gawin mo kung ano ang dapat!
At maging consistent! Kapag nagdesisyon na kalimutan ang isang bagay, kalimutan na! Kapag buo ang isip at loob na ayusin ang buhay, ayusin na! Kung talagang gusto mong mapagtagumpayan ang maling mga gawi, kumpletuhin ang tatlumpu't araw na pagdidisiplina!
Kaya mo 'yan! Sulong!
Sunday, 5 October 2008
Tumanda nang pasulong, hindi paurong!
Posted by Finisher at 09:44
Labels: kaibigan, pag-asa, pagtanda, pagtanggap
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment